FULL TEXT: Pres. Aquino’s eulogy for the fallen SAF policemen

By on January 30, 2015


On the morning of January 29, 2015, the remains of the members of the PNP Special Action Force slain in Mamasapano arrived at the Villamor Air Base. The fallen PNP SAF were accorded arrival honors, led by the Secretary of the Interior and Local Government Mar Roxas, PNP Deputy Dir. Gen. Leonardo Espina, and AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang. (Presidential Communications Development and Strategic Planning Office)
On the morning of January 29, 2015, the remains of the members of the PNP Special Action Force slain in Mamasapano arrived at the Villamor Air Base. The fallen PNP SAF were accorded arrival honors, led by the Secretary of the Interior and Local Government Mar Roxas, PNP Deputy Dir. Gen. Leonardo Espina, and AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang. (Presidential Communications Development and Strategic Planning Office)

Here is President Benigno Simeon Aquino III’s eulogy at the necrological service for fallen members of the Philippine National Police-Special Action Force on Fridaym January 30, at Camp Bagong Diwa in Taguig City:

Isa po sa pinakamahirap kong tungkulin bilang pangulo ay ang pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay. Sa pagharap ko po sa inyo ngayon, aaminin ko po, hindi ko mapigil tanungin ang aking sarili: Ano nga ba ang masasabi ko, para kahit papaano, ay mapagaan ang kalooban n’yo?

Napakahalaga po ng buhay ninuman. Bagama’t alam nating lahat tayo ay mawawala sa mundo, laging nariyan ang tanong na “Kailangan bang may namatay sa pagkakataong ito?” Ito po ay sa kabila ng lagi nating paghahanap ng mga paraan, sa abot ng ating makakaya, para maiwasan ang anumang hindi kinakailangang kawalan o pagkasawi.

Gusto ko pong sabihin sa inyo na damang-dama ko ang pakiramdam ninyo. Nauunawaan ko ang bawat pamilya ng ating kapulisang nasawi sa engkuwentro nitong nakaraang Linggo. Ako man ay nawalan ng mahal sa buhay nang biglaan. Naaalala ko nga po ang sandaling nag-uusap kami ng aking yumaong ama. Nagdesisyon siya noon na dumating na ang panahon para bumalik siya sa ating Inang Bayan mula sa Amerika.

Siya na rin mismo ang nagsabi: palapit na tayo nang palapit sa isang madugong himagsikan. Umuwi nga po siya nang mag-isa. Ang kasama lang, mga taga-media, at klarong-klarong defenseless po siya. Ang sabi niya: baka naman miski papaano, ma-curious si Ginoong Marcos at mabigyan ako ng pagkakataong makadiyalogo siya, at maabot sa kanya ang tunay na sitwasyon ng bansa. Sa ganoong paraan, ay mauumpisahan na ang payapang panunumbalik ng ating demokrasya.

Mag-isa po akong nanonood ng telebisyon sa bahay namin noon sa Boston, naghihintay ng balita tungkol sa nangyari sa aking ama. Narinig ko pong sinabi ng announcer sa telebisyon: “Opposition leader Benigno Aquino was seen lying in a pool of blood; shots were fired.” Sa oras ping iyon, para pong tumigil ang oras sa akin, huminto at halos walang akong napansin sa buong kapaligiran; bumaliktad ang aking mundo. Hindi ko maipaliwanag ang pagkabigla na naramdaman ko. Ni minsan, di namin naisip na may posibilidad man lang na papatayin siya. Pinakamabigat na siguro ay ang ibalik siya sa kulungan. Kaya’t talagang nagulat kami sa nangyari. Sa kanyang pagbalik, hindi na po nagawang makatuntong pa ng aking ama sa lupang sinilangan. Pababa pa lang ng eroplano, walang habas na siyang pinaslang.

Nang makumpirma ang nangyari, hindi ko pinahintulutan ang sarili kong maiyak. Pinigil ko ang luha ko, at inilipat lahat sa galit.

Ang ama po namin ang pinuno ng pamilya; siya ang aming tagapagtanggol, ang gabay at inspirasyon, at ang bukal ng lakas na nagpapatatag sa aming mag-anak noong mga panahon ng Martial Law.

Pakiramdam ko, nawalan na ng puwang sa maayos na pag-uusap; itong hinahanap na kadiyalogo ng tatay ko, at ang kanyang mga kasamahan; sila ay nagmistulan nang mga asong ulul na hindi na kayang makausap nang matino. Ang sabi ko, ibibigay ko sa aking ama ang tamang paggalang; at pagkatapos, gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa aming pamilya.

Sa pinakamalungkot at pinakamasakit na sandaling ito, ilang tanong ang bumabalot sa isip ko: Ngayong wala na ang aming ama, paano natin maaabot ang kanyang inaasam para sa bansa? Ibig sabihin ba no’n, tapos na ang laban? Kung namatay na para sa bayan ang aking ama, at wala man lang tayong nakamit na pagbabago, ‘di ba’t sayang naman ang kanyang sakripisyo, at ng libo-libong Pilipino?

Sa mga panahong iyon, di ko maiwasang isipin na ang huling yugto noon ay hahantong sa madugong himagsikan. Ngunit nagsimulang magbago ang pananaw ko nang makita ko ang dami ng taong nanindigan at nakiramay sa labas ng aming bahay sa Times sa Quezon City. Tila ba hindi na sila natatakot sa Batas Militar. Dito ko po nakita ang posibilidad na maitutuloy ang laban kahit wala na ang aming pinuno.

Sa inyo pong mga kaanak ng nasawi nating kapulisan, batid kong nagbago rin ang inyong mundo sa pagpanaw ng inyong mga mahal sa buhay. May nailatag na kayong mga plano; at mga pangarap na nais marating. At sa di-inaasahang pangyayari, ay biglang lumabo at dumilim ang inyong kinabukasan. Napakaraming mga tanong na nag-uumpisa sa katagang “Bakit”: Bakit ito nangyari? Bakit kailangang may masawi? Bakit kailangang magdusa ang pamilya?

Sa totoo lang po, hindi ko masasagot ang lahat ng mga ito. Dito ko naman po naalala ang ipinayo sa akin noong panahong namatay ang tatay ko. Sabi po ng paring aking kinukumpisalan: Bilang Kristiyano, simple lang ang sinasabi ng pananampalataya natin: May Diyos na nilikha tayo sa Kanyang anyo, tanda ng Kanyang pagmamahal. Dahil mahal Niya tayo, mayroon siyang magandang plano sa bawat isa sa atin. Kapag dumadaan tayo sa mga panahong hindi natin makita ang planong ito, marahil, nahihirapan tayo sapagkat ang tinitingnan lang natin ay kapiraso lamang ng Kanyang buong plano. Ngunit kung makikita lang raw natin ang kabuuan ng planong ito, ay liliwanag sa atin ang tunay na kagandahan nito.

Nais ko rin pong balikan ang isang sipi mula sa aklat ni Juan, Kapitulo 15, Bersikulo 13. Ang sabi po: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang kapwa.”

Sa inyo pong mga mahal sa buhay ng mga namayapa nating kapulisan, alam kong batid din ninyo ang puno’t dulo ng kanilang pagsali sa hukbo. Silang 44 na pulis, sa murang edad na 26 hanggang 39 na taong gulang, ay itinulak ang kanilang mga sarili at sinagad ang kanilang kakayahan, para maiambag ang kanilang pinakamalaking maiaambag, hindi lang para sa sarili o sa pamilya, kundi para sa ating Inang bayan. Inialay nila ang kanilang buhay para sa malawakang kapayapaan at kaayusan.

Alam naman po ninyo, dalawa ang target nila sa nangyaring operasyon: sina Abdul Basit Usman, at Zulkipli Bin Hir o Abu Marwan. Nabanggit na rin po natin kung gaano sila kalaking mga terorista. Pumapatay sila nang walang pakundangan at nagpapakadalubhasa kung paano higit na makakapaghasik ng terorismo. Suspek nga po si Marwan sa pambobomba sa Bali, Indonesia. Doon, dalawang magkasunod na pagsabog ang nangyari. Matapos ang unang pagsabog, hinintay nilang dumating ang mga sumaklolo, at saka pinasabog ang pangalawang bomba. 202 katao ang nasawi dito. Sa nangyaring operasyon dito ng SAF, diumano’y napatay ang pangunahing target na si Marwan.

Umasa naman po kayo na ang pangalawang target na hindi natin nahuli noon, ay makukuha din natin. At kilala n’yo naman po ako, kapag nagbitiw ako ng salita, tinutupad natin. Number 1 po sa listahan ng dapat nating gawin ay ang pagdakip kay Basit Usman. Inutos na natin sa kinauukulan ang pagpaplano ng mas mahusay na operasyong hulihin ang taong ito. Kumikilos na po ang inyong gobyerno, hindi lamang sa mga oras na ito, kundi bago pa man ako humarap sa inyo, upang isakatuparan ito. Patutunayan po natin ang pag-iral ng batas sa buong Pilipinas. Tinitiyak ko po sa inyo, mahuhuli natin si Usman.

Alalahanin po natin na may binuo po tayong board of inquiry na ang trabaho ay alamin ang totoong nangyari at kung sino ang gumawa nito. Ang gusto natin: Hindi na maulit ang pangyayaring tulad nito. Bilang Pangulo, gustuhin ko man pong magalit, ay hindi ako puwedeng magpadala sa emosyon. Hindi ko puwedeng idaan ito sa bara-barang pagdedesisyon. Dahil kapag pinairal ko ang galit, baka imbes na maresolba ay lalo ko pang palalain ang problema. Sisikapin po nating makamit ang katarungan para sa lahat ng pinaslang at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.

Makakaasa rin po kayo: Pipilitin nating bawasan ang agam-agam sa inyong kinabukasan. Tutugunan po natin ang inyong mga pangangailangan nang sumusunod sa lahat ng batas at patakaran. Gagawin po natin ang lahat, sa abot ng ating makakaya, upang tulungan ang bawat pamilya ng ating mga bayaning kapulisan. Kinapanayam na po kayo ng ating mga kasamahan sa gobyerno, at nakausap ko na po ang ilan sa inyo at kakausapin ko po kayong lahat.

Naglaan na po ang inyong gobyerno ng karampatang tulong-pinansiyal sa benepisyaryo ng bawat kapulisang nasawi o nasugatan. Lahat ng ayudang maaaring manggaling sa pamahalaan ay isasagad natin. Mula sa pagbibigay-suporta sa pag-aaral ng mga benepisyaryo, hanggang sa pagtulong sa paghahanap ng trabaho’t mapagkakakitaan—ilan lamang po ito sa mga halimbawa ng ayudang ipinagkakaloob ng inyong gobyerno.

Gaya nga po ng nabanggit ko noong Miyerkules ng gabi, diretso na rin akong nakikiusap sa pribadong sektor at sa ating mamamayan: Sabayan po ninyo ang gobyerno upang masigurong maipapakita natin ang pagkilala sa kabayanihang ipinamalas ng mga nasawing kasapi ng PNP-Special Action Force.

Malinaw po: Bayani ang asawa, kapatid, o anak ninyong dinadakila natin sa araw na ito. Malaki po ang utang-ng-loob ng sambayanan sa kanila. Binuwis nila ang kanilang buhay para mabigyan ng kaayusan at katahimikan ang buhay ng mas nakakarami.

Iyan po ang dahilan kung bakit naka-half mast ang ating watawat sa lahat ng kampo ng ating mga pulis at militar, at sa lahat ng tanggapan ng ating gobyerno. Ngayong iniuwi na natin ang kanilang mga labi, ay dinadantayan din ng bandila ang bawat isa sa kanila. Sagisag ito ng pagtanaw ng estado sa kanilang ipinamalas na tapang, dedikasyon, at kabayanihan. Sagisag ito ng pagluluksa, hindi lang ng kanilang mga pamilya’t kaibigan, kundi ng buong bansa. Sagisag ito na nabuhay at namatay sila, hindi para sa sarili, kung hindi para sa bayan.

Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, kinikilala po natin ang kabayanihan ng ating mga nasawing kapulisan. Nagpapasalamat tayo sa kadakilaan ng kanilang sakripisyo. Nakikiramay po tayo sa bawat pamilya ng mga kapulisan nating nawalan ng mahal sa buhay.

Sa simula nga po, nabanggit ko: Kung walang nangyaring pagbabago sa pagkamatay ng aking ama, di po ba’t nasayang lang ang kanyang naging sakripisyo? Kaya naman, hindi natin pababayaan na mauwi sa wala ang pag-aalay ng buhay ng ating mga bayaning pulis. Kung ang kanilang pagkasawi ay maging sanhi ng pagkakamit natin ng kapayapaang ating inaasam, dito po, masasabi nating hindi nabalewala ang kanilang naging sakripisyo. Ang tunay at pangmatagalang pagbabagong ito ang magiging pamana nila sa sambayanang Pilipino.

Magandang tanghali po. Maraming salamat sa inyo