Bata at babae natagpuang patay sa Bonifacio Global City

By , on February 27, 2014


Screenshot (by Ching Dee) of report from Quick Response Team, GMA News TV.
Screenshot (by Ching Dee) of report from Quick Response Team, GMA News TV.

 

Dalawang bangkay ang natagpuan ng mga awtoridad sa Bonifacio Global City, Taguig, nitong Huwebes. Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng palo umano sa ulo ang ikinamatay ng mga biktima na kapwa nakayapak nang makita.

Sa ulat ng GMA new “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang babae ay tinatayang nasa 30-anyos, habang nasa tatlo hanggang pitong-taong-gulang naman ang bata.

Hindi pa malaman ang katauhan ng dalawang biktima dahil walang anumang bagay na mapagkakakilanlan sa kanila nang makita sa gilid ng isang poste ng kuryente sa Lower East Ramp ng BGC.

Bago matagpuan ang kanilang bangkay nitong Huwebes ng umaga, sinabi sa hiwalay na ulat ng GMA News TV’s “QRT,” na nakita pang buhay ang dalawang biktima dakong 10:00 p.m. nitong Miyerkules at may kausap na isang lalaki.

Ayon sa saksi, nakasuot umano ng berdeng t-shirt na may Makati logo at brown denim pants ang lalaki.

Sa pagsusuri sa bangkay ng mga biktima, may nakitang sugat sa ulo ng dalawa na posibleng pinalo ng matigas na bagay na dahilan ng kanilang pagkamatay.

“Base po doon sa nakita sa (autopsy) meron po silang head injury. Pwede pong hard object (ang ginamit); pwedeng bato, kahoy. Palagay ko doon rin ‘yon,”  ayon kay C/Insp. Benny Basilio Jr., ng Taguig PNP Investigation Chief.

Dinala ang bangkay ng dalawa sa Our Lady of Loreto Funeral Service sa Taguig na may telepono bilang 4033477.